Pagkakaroon ng virology institute sa bansa, isinusulong muli ng Senado

Binuhay sa Senado ang panukala na pagtatatag ng Philippine Institute of Virology (PIV).

Sa Senate Bill 1363 ni Senator Robin Padilla, layunin na magkaroon ang bansa ng pangmatagalang tugon laban sa anumang banta ng Coronavirus at iba pang susulpot na virus sa hinaharap.

Ang PIV na siyang attached agency ng Department of Science and Technology (DOST) ay magsisilbing virology research at development institute ng bansa.


Dito ay pag-aaralan ang mga virus na nakaaapekto sa mga tao, hayop at halaman at lilikha rin ng lunas at bakuna upang malaban ang mga sakit na maaaring dala ng virus.

Isusulong din ng virology institute ang pagtutulungan ng mga kaukulang ahensya at ng academe para sa pagtugon sa mga banta ng virus gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga eksperto sa ibang mga bansa.

Itutulak din ang virology research ethics, biosafety at biosecurity dagdag pa ang pagpapalakas sa scientific at technological capabilities sa virology at relevant disciplines.

Hinihiling naman ni Padilla ang agad na pagpapatibay ng panukala.

Facebook Comments