Hindi dapat ipag-alala ng lahat ang pagkakasama ng Pilipinas sa Top 20 na bansa na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa mundo.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagiging rank 18th ng Pilipinas sa listahan ay hindi sumasalamin sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
“Huwag po dapat tayo matakot na pang-labing walo tayo. Kailangan makita natin ilan ang napapagaling natin. Ilan po ba ang nababawas sa ganyan kadaming numero,” sabi ni Vergeire.
Punto pa ni Vergeire ang ranking ay base sa cumulative number of cases o naitala simula nang pumutok ang pandemya.
“Kailangan ang makita natin ‘yong aktibong kaso po. Kasi ‘yan pong total number of cases natin, 82% po diyan naka-recover na at meron tayo sa ngayon na 1.8% na mga namatay,” paliwanag ni Vergeire.
Sabi naman ni World Health Organization (WHO) Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, ang mataas na COVID-19 cases sa bansa ay bunga ng pinalakas na testing capacity at nakadepende sa populasyon.
Ang Pilipinas ay may mababang bilang ng mga namamatay kumpara sa ibang bansa.
Punto pa ni Abeyasinghe, ang Pilipinas ay ika-12 o ika-13 bansa na may pinakamalaking populasyon sa mundo.
Ang kasalukuyang infections sa Pilipinas ay nasa 15 porsyento lamang.
Batay sa COVID-19 tracker report ng DOH, higit 3.8 million individuals ang na-test para sa COVID-19 sa bansa.
Nasa 134 ang accredited testing laboratories habang mula sa 1,270 facilities para sa COVID-19 patients, ang bed occupancy ay nasa 44.6%.