Hinimok ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry (FFCCCII) ang Chinese pharmaceutical company na Sinovac na magbigay patunay na pwede sa mga senior citizen ang kanilang bakuna.
Kasunod ito ng nakatakdang pagdating ng 600,000 doses ng mga bakuna ng Sinovac sa Pilipinas ngayong Linggo, kung saan personal itong sasalubungin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dr. Henry Lim Bon Liong, Presidente ng FFCCCII, naglalaro lang sa edad na 18 hanggang 59 ang inirerekomenda ngayon ng Food and Drug Administration (FDA) na maaaring magpaturok ng Sinovac.
Paliwanag pa ng opisyal, bagama’t karamihan sa kanilang grupo ay senior citizens na ay marami pa rin ang handang magpaturok ng Sinovac vaccine oras na sabihin ng FDA na maaari itong gamitin sa mga senior citizen.
Nanawagan naman si Dr. Cecilio Pedro, Vice President ng FFCCCII na hayaan na lang sana ang mga senior citizen kung boluntaryo silang magpapaturok ng Sinovac.
Matatandaang sa isang pahayag, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na maaari namang i-revise ang una nilang rekomendasyon na ipaturok ang Sinovac sa edad 18 hanggang 59 para maisali ang senior citizens, oras na makapagsumite na ng safety at efficacy data ang kompanya.
Ang Sinovac ang isa sa tatlong bakuna sa Pilipinas na nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) na kailangan sa pagpapabakuna nito sa Pilipinas.