“Pagkakasibak” kina Defensor at Villafuerte, nararapat lamang

Dumipensa si Deputy Speaker Lito Atienza sa ginawa ng liderato ng Kamara na tanggalan ng posisyon sa lahat ng committee vice chairmanship sina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte.

Kahapon ay inanunsyo sa plenaryo ang pag-alis kina Defensor at Villafuerte sa pwesto sa lahat ng mga komite sa Kamara.

Paliwanag ni Atienza, ito ay ‘consequence’ sa kanilang mga naging hakbang at pahayag laban sa liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.


Matatandaang kabilang sina Defensor at Villafuerte sa grupong binuo ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na “BTS sa Kongreso” o “Back to Service sa Kongreso” na anila’y binuo para bantayan at maging kritiko sa kasalukuyang House leadership.

Kaugnay dito ay umalma naman si Defensor at sinabing maaaring tumatayong Speaker si Velasco pero kulang naman aniya ito ng kakayahang mamuno sa Mababang Kapulungan.

Dagdag pa ng kongresista, maaaring Lord ang pangalan ni Velasco, pero iginiit ni Defensor na kulang naman ito sa wisdom at good judgement para tukuyin ang wastong daan para sa Kamara.

Sa halip kasi aniyang pag-isahin ang mga miyembro ng Kamara ay lalo pang hinahati ni Velasco ang mga kongresista.

Facebook Comments