Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na may natatanggap silang ulat ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang paaralan kasunod ng pagbabalik ng face-to-face classes.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, nakatakda pa lamang silang maglabas ng buong detalye hinggil dito kabilang na kung ilan ang nagpositibo at kung saang paaralan ito naitala.
Paliwanag ni Poa, kahit mahigpit ang pagpapatupad ng health protocols sa mga paaralan ay inaasahan na ang pagpopositibo sa sakit sa hanay ng mga mag-aaral at guro.
Dahil dito, nakatutok sila sa sitwasyon upang hindi ito magresulta sa pagsirit ng kaso sa mga paaralan.
Batay sa DepEd Order No. 34, ang mga estudyanteng magpapakita ng sintomas ng COVID-19 ay agad ma-eexcuse sa in-person classes at ililipat sa distance o modular learning.
Habang sa ilalim naman ng DepEd Order No. 39, inaatasan ang mga paaralan na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units at health centers upang masiguro ang ligtas na transportasyon at home care isolation sa mga estudyanteng may sakit.