Pagkakatalaga bilang hepe ng isang opisyal ng BFP, binawi dahil sa paglabag sa IATF guidelines ayon sa DILG

Nabulilyaso ang pagkakatalaga sana ni Fire Chief Insp. Elaine Evangelista bilang bagong Fire Chief ng Biñan Fire Station.

Tuluyan na kasi itong binawi ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Kasabay nito ang pagsibak din sa pwesto ng lahat ng personnel ng BFP na lumabag sa quarantine protocols na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya ang ginawang hakbang ay alinsunod sa utos ni DILG Secretary Eduardo Año.

May inisyu na ring show cause order laban sa lahat ng BFP personnel na sangkot sa kontrobersiya at inatasan ang BFP-Internal Affairs Service at RO4-A na isumite sa DILG ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Tiniyak ng DILG na hindi nito kukunsintihin ang maling ginawa ng mga uniformed personnel at papatawan ng kaukulang kaparusahan.

Agosto 21, 2020 nang gawin ang despedida party sa isang hotel para kay Batangas outgoing fire marshal Evangelista.

Nakita umano sa video ang mga tauhan ng Batangas City Fire Station na nagkasiyahan ng hindi nasusunod ang quarantine protocols tulad ng hindi pag- susuot ng face mask at social distancing.

Facebook Comments