Tinututulan ngayon ng ilang mga taga oposisyon ang pagkakatalaga kay dating Budget Secretary Benjamin Diokno bilang bagong Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon kay ACT Teachers Representative Antonio Tinio, patuloy ang ginagawang pagbibigay ng proteksyon ng Pangulo sa mga miyembro ng kanyang gabinete sa public accountability sa pamamagitan ng pag-recycle sa mga ito o pagtatalaga sa ibang posisyon sa gobyerno.
Sa halip na tugunan ang mga hinaing na dagdag na pondo sa ilang social services na hindi natutugunan ng DBM, binigyan pa ng reward ng pangulo si Diokno bilang pinuno ng pinakamakapangyarihang economic position sa pamahalaan.
Ipinwesto si Diokno kahit pa ongoing ang pagdinig ng kamara sa nadiskubreng P75 billion insertions sa 2019 budget para paburan ang ilang kontraktor kabilang na ang kanyang kamag-anak.
Sinabi ni Tinio na mananatiling tanong ang papel ni Diokno sa Flood Scam Project hanggang hindi nito sinasagot ang katanungan ng kamara.
Umaasa na lamang ang mambabatas na tutuparin ng papalit kay Diokno ang pangako ng Pangulo tulad ng dagdag na sahod sa mga guro at mga manggagawa.