Hinamon ng anti-communist groups at ilang civil society organizations si House Speaker Lord Allan Velasco na imbestigahan ang mga solon ng Makabayan Bloc.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Makabayan Bloc ay front ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon sa League of Parents of the Philippines (LPP), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Hands Off Our Children (HOC) at grupong Yakap ng mga Magulang, ang Kamara at hindi ang Senado ang may hurisdiksyon sa Makabayan Bloc kaya hinihintay nila ang aksyon ni Velasco hinggil dito.
Giit ni LPP Chair Remy Rosadio, bago pa man maging tagapagtanggol ng Makabayan Bloc si Velasco ay mayroon itong sinumpaang tungkulin sa bayan.
Sinabi naman ni Gemma Labsan, Founder ng Hands Off Our Children, nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang Non-Governmental Organizations (NGOs) para kalampagin ang Kamara.
Anila, isang House inquiry ang kailangan para mailantad ang katotohanan laban sa kung ano ang ginagawa ng Makabayan Bloc sa Kongreso.
Ipinanawagan din ng grupo na sa oras na mag-imbestiga ang Kamara ay mamumulat ang mga kabataan sa tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng recruitment ang makakaliwang grupo.
Naniniwala ang grupo na hanggat nasa Kamara ang Makabayan Bloc ay magagamit nila itong platform para sa kanilang recruitment.