Nabawasan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) bunsod na rin ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa virtual conference ng Committee on Agriculture, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na naging positibo ang epekto ng ECQ para mapigilan ang pagpasok ng mga kontaminadong karne na hinihinalang may ASF.
Hindi na aniya kumalat pa sa ibang lugar ang sakit na ASF dahil sa ipinapatupad na restrictions lalo na sa mga kargamentong pumapasok sa mga probinsya na agad na nahaharang ng mga otoridad.
Inamin naman ni Dar na may ilan pa ring infected ASF sa mga lalawigan at munisipalidad na siyang tinututukan ngayon ng ahensya.
Samantala, umapela ang kalihim sa mga mambabatas na suportahan ang ahensya para tumaas ang kanilang food sufficiency level.
Inamin ng Department of Agriculture (DA) na bahagyang tumaas ang presyo ng bigas dahil sa ECQ na nagbunga sa kakulangan ng domestic production.