Nagbigay babala ang Kagawaran ng Agrikultura sa pamamagitan ni Cagayan Valley Regional Executive Director Narciso A. Edillo kontra sa pagpasok ng Avian Flu dito sa Rehiyon Dos.
Sa pang umagang programa na “Agriingkayo” sa FM station ng Department of Agriculture ay inihayag ng direktor ang pangangailangan ng pagiging alerto ng mga mamamayan sa posibleng pagpasok ng “bird flu” sa Cagayan Valley sa likod ng itinakdang pambansang babala bunsod ng outbreak ng naturang sakit sa San Luis, Pampanga.
Sa naturan ding programa ay nagpahayag si Dr. Robert Busania, hepe ng Integrated Laboratory Division ng Kagawaran ng Agrikultura Rehiyon Dos na magiging malala ang epekto ng bird flu kung hindi gagawa ang pamahalaan ng paraan ukol dito. Sinabi pa na isang kilometro paikot mula sa apektadong lugar ay kailangang malinisan sa pamamagitan ng maramihang pagsunog sa mga apektadong manok, itik o pato.
Sinabi pa na maliban sa isang kilometro mula sa lugar na nakakitaan ng bird flu ay kailangan ding manmanan ng mahigpit ang karagdagang pitong kilometrong palibot ng apektadong lugar.
Tiniyak naman ng Kagawaran ng Agrikultura Cagayan Valley sa pamamagitan ni Dr. Ernesto Guzman, hepe ng Regulatory Division na nagpakat na sila ng karagdagang mga tao upang paigtingin ang quarantine ng mga poultry products papasok sa rehiyon upang maiwasan ang pagpasok ng bird flu.