Pagkalat ng sakit na African Swine Fever, Muling naitala sa Lalawigan ng Isabela

Cauayan City, Isabela- Inalerto ngayon ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang publiko hinggil sa ‘second wave’ ng pagkalat ng sakit na African Swine Fever sa Lalawigan ng Isabela.

Ito ay makaraang makapagtala ng panibagong kaso ng ASF sa apat (4) na bayan na kinabibilangan ng Quezon, Roxas, Aurora, at Luna habang walong barangay at pitumpu’t siyam (79) na magsasaka ang apektado.

Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo, agad na nagsagawa ng blood sampling at culling sa mga apektadong baboy na umabot na sa 432.


Posibleng nag-ugat sa hindi pagpapatupad ng farm bio-security measures ng mga nag-aalaga ng baboy ang sanhi ng muling pagkalat ng ASF.

Paliwanag pa ng opisyal, maaaring nagmula sa infected na slaughter house sa bayan ng Ramon ang muling pagkalat ng virus sa mga alagang baboy sa mga nasabing lugar.

Nakipag-ugnayan na rin ang DA-RFO 02 sa Central Office at Bureau of Animal Industry (BAI) para maalis na ang mga lugar na apektado ng ASF sa infected o red zone tungo sa buffer o pink zone.

Ayon sa polisiya, ang mga lugar na mapatunayang wala ng kaso pagkatapos ng sunud-sunod na tatlong blood sampling na magnegatibo ay maaari ng ideklarang ASF free.

Facebook Comments