Ayon sa ulat, nasa 9,597 magsasaka na ang naapektuhan, habang umabot sa 4,002.80 ektarya ang lawak ng mga lupang sakahang nakaranas ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Patuloy na pinangangambahan ang posibleng paglala ng epekto ng tagtuyot sa produksyon ng mga pananim, partikular sa mga sakahang umaasa sa ulan at suplay ng tubig para sa irigasyon.
Samantala, kinumpirma ng DOST-PAGASA na umiiral na ang Very Strong El Niño sa Tropical Pacific.
Batay sa pinakahuling advisory ng ahensya noong Nobyembre 4, inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang sa unang kalahati ng 2027 at posibleng maabot ang pinakamataas nitong antas bago matapos ang 2026.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibilidad ng mas mababa kaysa normal na pag-ulan, na maaaring magdulot ng karagdagang epekto sa mga sakahan at suplay ng tubig sa ilang bahagi ng bansa.
Sa kabila nito, nananatiling mas mataas sa normal high water level ang tubig sa San Roque Dam.
Batay sa monitoring ng PAGASA, naitala sa 281.43 meters above sea level ang water level ng dam alas-8 ng umaga nitong Nobyembre 9, kumpara sa normal high water level na 280 metro.
Gayunman, hindi nangangahulugang ligtas na sa posibleng kakulangan sa tubig ang mga sakahan, lalo na kung magpapatuloy ang mababang pag-ulan sa mga susunod na buwan.
Patuloy namang mino-monitor ng DA at PAGASA ang epekto ng El Niño sa agrikultura at mga pinagkukunan ng tubig sa bansa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







