Pagkalugi sa Travel and Tour Agency dahil sa COVID-19, umabot sa 40%

Pumalo na sa 40% sa kita ang nawawala ng mga Travel and Tour Agency dahil sa epekto ng Corona Virus Disease 2019 o COVID-19.

Sa Busina Forum, sinabi ni Rowena Coloma, General Manager ng Travel Specialist Ventures at miyembro ng Travel and Tour Agency Association of the Philippines, lalo pang lumalaki ang masamang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya sa mundo.

Marami umano sa kanilang mga kasamahan sa industriya ang nagbawas na ng araw at oras ng kanilang operasyon dahil sa pagdami rin ng mga nagpapakansela ng kanilang bakasyon o byahe.


Kung dati ay mayroong araw ng Sabado ang kanilang operasyon, ngayon ay mula Lunes hanggang Biyernes na lamang ang kanilang opisina at nagkaroon din ng cost cutting sa kanilang mga empleyado.

Dahil sa pangyayaring ito, maraming mga Travel and Tour Agency sa bansa ang nagbibigay ngayon ng malalaking promo para makahikayat ng mga turista.

Tulad aniya, sa airline companies, umaabot sa 80% off ngayon ang airfare sa ilang lugar sa ibang bansa tulad ng Guam, Camboadia, Amerika, Vietnam at Europa.

35% off naman sa mga hotel and restaurants ang ibinibigay ng mga Travel and Tour Agency para sa mga lugar ng Boracay, El Nido at Coron sa Palawan, Batanes, Cebu, Siargao at iba pa.

Nakiusap si Coloma sa Department of Tourism o DOT na samantalahin ang pagpapalakas ng lokal na turismo dahil ito na lamang ang hindi apektado ng COVID-19.

Samantala, ipinauubaya na nila sa Department of Health o DOH ang kampanya kung papaanong maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments