Makakabawi umano ang bansa mula sa malaking pagkalugi sakaling tuluyang paalisin, ang mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.
Sa joint hearing ng Senate Committees on Ways and Means at Public Order tungkol sa mga pakinabang ng bansa sa POGO, minaliit ni Finance Usec. Bayani Agabin ang posibleng epekto sa bansa kung mawawala ang mga POGO.
Aniya, kung mahihikayat ang mga foreign investor mula sa ibang industriya, ito ang gagamitin na pantapal sa malaking kita na mawawala mula sa POGO.
Sinabi ni Agabin na kung ang mga mahihimok na industriya ay may high value added, higher technical requirements, at higher professional employment rate na makakahikayat pa ng mga turista ay sapat na ito para mapunan ang mga posibleng lugi ng bansa kung tuluyang i-ban ang mga POGO.
Dagdag pa ni Agabin, mayroon na aniyang mga potensyal na industriya na tinitingnan na maaaring mag-invest sa bansa tulad ng healthcare, manufacturing, mass housing, infrastructure, environment, energy, exports, green ecosystems at defense.
Batay sa ginawang estimate ng tanggapan ni Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng Ways and Means, aabot sa P34.679 billion ang mawawala sa bansa kapag tuluyang pinalayas ang mga POGO.