Sa kabila ng matinding sikat ng araw, bukod pa sa kilo- kilometrong paglalakad, hindi inalintana ng mga kawani ng Local Government Unit ng Buldon ang kanilang matinding sakripisyo maihatid lamang ang mga ayuda para sa kanilang mga kababayan.
Sa kasalukuyan ay nasa ikapitong araw na sa pagbibigay ng tulong ang LGU kasabay ng perwisyong hatid ng COVID 19.
Target ng LGU na mabigyan ng food packs ang 15 Baranggay base na rin sa direktiba ni Buldon Mayor Abolais Manalao.
Katuwang ng LGU sa paghahatid ng tulong ang mga Baranggay Officials at PNP. Bigas, delata at noodles ang laman ng foodpacks.
Bagaman aminado ang LGU na pantawid ng ilang araw lamang ang kanilang ibinibigay, at hindi sasapat kapag magpapatuloy ang krisis na kinakaharap, patuloy naman na nakikiusap si Mayor Manalao na manatili sa kanilang tahanan ang kanyang kababayan.
Sinaluduhan naman ni Mayor Manalao at umaasang mabigyan rin ito ng halaga ng kanyang mga kababayan ang paghihirap at sakripisyo ng mga LGU employees para lamang maabot ang bawat tahanan sa Buldon maging ang pinakadulong bahagi ng kanilang bayan.
Naniniwala rin si Mayor Manalao na ang pagiging makatao ng isang taga Buldon lalo na ng mga Iranun ay lumalabas sa panahon ng pangangailangan. Wala aniyang ibang magmamahal sa Buldon kundi isang tunay na taga Buldon giit ng Alkalde.
Ang Buldon ay isang liblib na bahagi ng Maguindanao ngunit may Entry at Exit point sa mga lalawigan ng North Cotabato at Lanao Del Sur.(Dennis Arcon)
PagkaMakatao ipinapairal ng mga taga Buldon sa harap ng COVID 19 Crisis
Facebook Comments