Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang pagkamatay ng isang delivery rider sa Tondo, Maynila kung saan sangkot ang isang pulis.
Nagbaba ng kautusan si Gen. Eleazar, base sa reklamo na inihain ng mga ka-anak ni Jason Capistrano na namatay matapos tamaan ng bala mula sa service firearm ni Police Corporal Oliver Ferrer na nakatalaga sa Manila Police District Station 1.
Ayon sa opisyal, ipinarating sa kaniya sa pamamagitan ng Facebook ang paghingi ng tulong at hustisya sa nasabing delivery rider na napatay ni Corporal Ferrer sa Tondo, Manila.
Dagdag pa ni Eleazar, nakausap na niya si MPD chief Police Brigadier General Leo Francisco at lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagtungo sa Barangay 183, Zone 16 si Ferrer para bisitahin si Chairman Joseph Lipasana.
Habang naghihintay sa labas ng barangay ay pinaglaruan ng pulis ang kaniyang baril sa harap ng kaibigang si Capistrano dahilan pero pumutok ito at natamaan ang biktima.
Kusa namang sumuko kay Gen. Francisco ang pulis na agad dinis-armahan at sinampahan ng kasong homicide.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Gen. Eleazar sa pamilya ng biktima at tiniyak na masusi nilang iimbestigahan ang kaso.