Natagpuang patay sa loob ng kanyang selda sa New Bilibid Prison ang high profile inmate na si Raymond Dominguez.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Corrections, walang nakitang foul play sa pagkamatay ni Dominguez.
Gayunman, ayon kay BuCor Spokesperson Gabby Chaclag, isasailalim pa rin sa autopsy ang bangkay nito para malaman ang totoong dahilan ng kanyang pagkamatay.
Pasado alas 6:00 kaninang umaga nang magsagawa ng accounting sa Maximum Security Compound, pero hindi lumabas si Dominguez sa kanyang kubol dahilan para pasukin ito ng mga awtoridad at tumambad sa kanila ang wala nang buhay na katawan nito.
Ayon kay Chaclag, noon pa man ay marami nang iniindang sakit si Dominguez gaya ng asthma, hypertension, diabetes at arthritis.
Dalawang beses na rin siyang nagpositibo sa COVID-19 pero gumaling din.
Si Dominguez at ang kanyang kapatid na si Roger ay leader ng Dominguez carjacking group na sangkot sa pagpatay sa car dealers na sina Venson Evangelista at Emerson Lozano noong January 2011.