Pinabulaanan ng Department of Agriculture ang pangamba ng hog raisers na mamamatay na ang industriya ng pagbababoy.
Ito ay kasunod ng desisyon ng pamahalaan na magbenta ng imported pork ngayong kulang ang supply ng mga karneng baboy sa mga pamilihan na tinutulan naman ng ilang mga grupo ng hog raisers.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Noel Reyes na walang basehan ang sinasabi ng hog raisers at sa halip ay malaki pa nga ang kanilang kinikita.
Giit ni Reyes, kailangan din kasi na mabalanse at mapababa ang ating inflation rate at hindi mabigatan ang mga mamimili sa presyo ng produktong karne.
Paliwanag pa ng kalihim, gusto kasi ng hog raisers ng “one time, big time” na pagbawi sa kanilang ikinalugi dahil sa nagpapatuloy na banta ng African Swine Fever (ASF).
Samantala, una nang sinabi ni Secretary William Dar na sa halip na palawigin pa ang price ceiling ay magpapatupad na lamang sila ng Suggested Retail Price (SRP).