Pai-imbestigahan ng Senado ang pagkamatay ng labing siyam na Persons Deprived of Liberty kung saan kabilang dito ang ilang mga high profile inmate sa New Bilibid Prison dahil sa COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may pag-aalinlangan siya sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng mga high profile inmate lalo na’t agad silang isinailalim sa cremation at walang nangyaring autopsy.
Giit ni Sotto, dahil karamihan sa mga namatay ay mga drug lord, hindi maiaalis sa isip na publiko ang posibilidad na sinadyang pinatay o sinadyang pinatakas ang mga ito lalo na’t maaaring samantalahin ang sitwasyon ngayon na may pandemyang kinakaharap ang bansa.
Hindi rin kumbinsido si Sotto sa depensa ng Bureau of Corrections na dahil sa “Data Privacy Act” kaya hindi nila pinangalanan ang mga nasawing high profile inmates.
Una nang lumabas sa balita na ilang high-profile inmate ng NBP ang nasawi dahil sa COVID-19 kabilang na ang druglord na si Jaybee Niño Sebastian na tumestigo noon laban kay Sen. Leila De Lima sa kontrobersyal na NBP drug trade.
Batay sa tala ng BuCor, nasa 343 ang mga PDL na tinamaan ng COVID-19 kung saan 311 dito ang gumaling na habang 19 ang namatay.