Inatasan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na isama sa isinasagawa nitong imbestigasyon ang pagkamatay ni Melodina Malingin, kapatid ni Ricardo Parojinog na una nang nasawi sa kulungan.
Ayon sa Kalihim, aalamin sa imbestigasyon kung ano ang kondisyon ng kalusugan ni Malingin bago pa man ito namatay.
Nasawi si Melodina Parojinog Malingin halos dalawang araw makaraang mamatay ang nakababata nitong kapatid na si Ricardo Parojinog sa loob ng kaniyang detention cell sa Ozamiz City Police.
Si Malingin ay nakapiit noon pang 2017 dahil sa iligal na droga at una itong isinugod sa ospital noong Sabado ng gabi kung saan kinabukasan ay binawian ng buhay sa ospital.
Ayon sa doktor ng Mayor Hilarion A. Ramiro Sr. (MHARS) Medical Center sa Ozamiz City na tumingin kay Malingin, nasawi ito dahil sa cardiogenic shock secondary to intractable cardiac arrhythmia atrial fibrillation to ventricular tachycardia.