Manila, Philippines – Base sa datos ng Department of Tourism, ang ginawang pagpapatigil ng Commission on Higher Education sa field trips mula noong Pebrero hanggang Hunyo ay nakaapekto ng malaki sa tourism industry lalo na sa CALABARZON.
Apektado rin maging ang mga negosyo ng mga nakapalibot sa mga lugar na madalas na nagiging destinasyon ng mga educational tours.
Kaugnay nito, nakipagtulungan na ang Department of Tourism sa Department of Education para reviewhin ang kasalukuyang panuntunan ng DepEd sa pagpapatupad ng mga educational field trips.
Ayon kay Tourism Undersecretary Alma Rita Jimenez, napapanahon na para higpitan ang regulasyon sa mga field trips, kasunod na rin ng pinakahuling aksidente sa Tanay, Rizal nitong Pebrero kung saan 14 na estudyante, isang guro at isang bus driver ang nasawi dahil sa road accident.
Sa ilalim ng bagong guidelines, sa mga DOT accredited tour service providers na lamang maaaring makipag-ugnayan ang mga paaralan para sa mga educational tours.
Ayon kay Jimenez, umaasa ang DOT ng buong kooperasyon mula sa mga paaralan, dahil sila ang magpapatupad ng buong implementasyon nito.
Sa ganitong paraan aniya, matitiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa mga isasagawang lakbay aral.