Inihirit ni Senador Imee Marcos na ang cash aid o ‘ayuda’ ay hindi lang para sa pinansyal na pangangailangan kundi dapat ding makarekober at makalikha ng mga trabahong papasukan.
Ayon kay Marcos, pwedeng pag-isahin ang distribusyon ng ayuda sa pagre-recruit ng mga manggagawa.
Katwiran ni Marcos, hindi lang ito para mapababa ang unemployment rate sa bansa kundi para mapreserba rin ang respeto sa sarili ng mga Pinoy na handa namang magtrabaho pero nahihirapang makahanap sa gitna ng pandemya.
Paliwanag ni Marcos, ang bilyon-bilyong inilalaan para sa ayuda ay pwedeng magamit para palawakin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang mga cash-for-work program para sa formal at informal workers.
Binanggit ni Marcos na maging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay mayroon ding mga cash-for-work program na dapat mas maiging pondohan para makapagbigay ng mas maraming trabaho.
Magugunitang mula noong Hunyo pa ng nakaraang taon ay isinulong na ni Marcos na pag-isahin ang legislative measures sa mga subsidiya sa sweldo at mga cash-for-work program para sa mga skilled at unskilled workers sa buong panahon ng pandemya.
Layunin ito ng inihain niyang Senate Bill 1590, o mas kilala bilang Trabaho sa Oras ng Pandemya o TROPA Act.