Pagkatengga ng mahigit ₱33-B budget ng iba’t ibang ahensya sa PITC, pinaiimbestigahan ni Senator Drilon

Ibinunyag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na umaabot sa ₱33.4 billion ang pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang nakatengga sa Philippine International Trading Corporation (PITC).

Ibinase ito ni Drilon sa pinakahuling audited financial statement ng PITC na isang Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).

Lumabas sa budget deliberations ng Senado na naglalagak ng pondo sa PITC sa ilang ahensya ng gobyerno para magpabili ng mga kagamitan kung saan nakakakuha ang PITC ng 1 hanggang 5 porsyentong komisyon.


Giit ni Drilon dapat itong imbestigahan dahil posibleng iniimbakan lang ng pondo ng mga government agencies ang PITC para palabasin na obligated na ito o nagastos na at hindi kailangan ibalik sa National Treasury.

Diin ni Drilon, mahalagang mabusisi ang sistema sa PITC dahil ito rin ang aatasan ng Malakanyang na bumili ng COVID-19 vaccine.

Kinukwestyon din ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto kung bakit naiimbak sa PITC ang pondo at ilang taon bago ito nakakatupad sa procurement bukod sa nangungumisyon pa ito.

Nauna na ding nagpahayag ng pangamba si Recto na baka maantala ang pagbili ng bakuna kung ipapaubaya ito sa PITC na may track record ng pagiging atrasado sa procurement para sa iba’t ibang ahensya.

Facebook Comments