Binigyang-diin ni Committee on Basic Education Chairman Senador Win Gatchalian ang kahalagahan na masuri kung natututo nga ba ang mga kabataan sa ilalim ng distance learning setup.
Iginiit ito ni Gatchalian sa harap ng paninindigan ng Department of Education na walang malinaw na basehan ang mga ulat ng massive dropout ng mga estudyante.
Bukod pa ito sa report na mayroon ding mga mag-aaral ang hindi nakikilahok sa online class o kaya naman ay hindi nagsusumite ng kanilang mga requirements.
Para kay Gatchalian, isa ring nakakabahalang sitwasyon ang lumalaking bilang ng mga mag-aaral na hindi handa para sa susunod na antas ng kanilang pag-aaral.
Paliwanag ni Gatchalian, sa mga ganitong sitwasyon dapat pumasok ang papel ng assessment sa distance learning para mailatag kung saang aspeto ang dapat tutukan sa pag-aaral ng mga bata o kung saan sila nahihirapan.
Diin ni Gatchalian, ang pagtukoy sa mga ito ay makakatulong para sa paglalatag ng hakbang na aalalay sa mga mag-aaral sa ilalim ng distance learning tulad ng pagsasagawa ng mga remedial programs.