Pinaaaksyunan ni Albay Representative Joey Salceda ang nakakaalarmang bilang ng walang trabaho ngayon dahil sa COVID-19.
Iginiit ni Salceda na kailangan na mas maging agresibo ang pamahalaan dahil kung hindi ay magbubunga ito ng pagtaas ng kahirapan sa bansa.
Hiniling ng kongresista na maging agresibo ang gobyerno sa economic stimulus upang maisalba ang pagsasara ng mga maliliit na negosyo at maagapan ang pagkawala ng mas marami pang trabaho.
Nagbabala ito na maaaring pumalo sa -5.5% ang Gross Domestic Product (GDP) ngayong taon kung walang gagawin ang pamahalaan.
Dahil naantala na rin ang Economic Stimulus Bill at panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE), mas malaki na aniya ang hahabulin pagdating ng Hulyo at Agosto gayundin ang mas malaking magagastos kapag hindi agad hinarap ang problema.