Muling iginiit ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na walang nawala o naibulsang pondo sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Ang IRM ay ang cash advance program ng PhilHealth para bigyan ang mga ospital ng calamity fund na magagamit ng mga pasyente ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay PhilHealth Spokesperson Rey Baleña, “all properly accounted for” ang P14.97 bilyon na pondo sa IRM na tinanggap ng 711 pagamutan sa buong bansa.
Habang na-liquidate na ng mga Health Care Institutions (HCIs) ang kabuuang P13.03 bilyon o 87% ng P14.97 bilyon na pondo sa ilalim ng IRM mula December 21, 2020.
Nabatid na sa datos mula sa PhilHealth, nasa kabuuang 353 HCIs ang nakumpleto na sa liquidation habang 358 pang HCI ang hinihintay na magsumite ng karagdagang liquidation.
Ang PhilHealth NCR-Central Region ang tumanggap ng pinakamalaking pondo na P1.93 billion at nakapag-liquidate na ng P1.41 bilyon.
Matatandaang noong Agosto 2020 nang ibulgar ni dating PhilHealth Anti-Fraud Legal Officer Thorrsson Montes Keith sa Senado na nagnakaw ang mga opisyal ng ahensya ng P15 bilyon gamit ang iba’t ibang pamamaraan, kabilang ang paglalabas ng IRM fund sa mga ospital na wala namang hawak na kaso ng COVID-19.