Pagkilala sa mga Pinoy athletes na nakasungkit ng medalya sa SEA Games, inihahanda na ng Senado

Manila, Philippines – Binabalangkas na ng Senado ang resolution para bigyan ng pagkilala ang pagbibigay-karangalan sa ating bansa ng mga atletang Pilipino na nakakasungkit ng medalya sa ginaganap ngayong 30th Southeast Asian Games.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, pagtitibayin nila ang resolusyon sa pagbabalik ng session sa susunod na linggo.

Ayon kay Sotto, kapuri-puri ang ipinakita ng ating mga atleta na dedikasyon para magtagumpay sa kabila ng mga kontrobersiya at negatibong mga balita na ibinato sa hosting ng Pilipinas sa SEA Games.


Una rito ay inihayag naman ni Committee on Sports Chairman Senator Christopher Bong Go na gagawaran ng Order of Lapu-Lapu ng Malakanyang ang mga atletang nakakuha ng medalya.

Binanggit din ni Go na magbibigay ng hiwalay na cash incentives si Pangulong Rodrigo Duterte bukod pa ito sa itinatakda ng batas na dapat matanggap ng mga atletang nagwawagi sa mga international sports competition.

Facebook Comments