Sang-ayon si Committee on Foreign Affairs Chairman Senator Koko Pimentel na suportahan ng Pilipinas ang United Nations General Assembly resolution na kumukondena sa pag-atake ng Russia sa Ukraine.
Ayon kay Pimentel, kailangang mahinto sa lalong madaling panahon ang military operation sa Ukraine para sa kapakanan ng mga bata, kababaihan at nakatatanda na apektado at napipinsala ng gulo.
Subalit, giit ni Pimentel, dapat na maging neutral o wala munang kampihan ang ating bansa sa ibang isyu na ugat ng girian ng Russia at Ukraine.
Tulad aniya ng isyu sa aplikasyon ng Ukraine na maging miyembro ng North Atlantic Treaty Organization o NATO na kinokontra ng Russia.
Diin ni Pimentel, kailangan tayong maging neutral hangga’t wala pang masusing pag-aaral ang ating mga eksperto sa Department of Foreign Affairs sa mga isyu na naging ugat ng iringan ng Russia at Ukraine.