Nakakabahala para kay Senator Leila de Lima ang pag-gitgit ng barko ng Chinese Coast Guard sa barko ng ating Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng maritime patrol sa bahagi ng Bajo de Masinloc.
Bunsod nito ay iginiit ni De Lima na hindi sapat na kondenahin lang ng ating gobyerno ang China dahil sa nabanggit na insidente.
Giit ni De Lima, dapat may kongkretong hakbang na gawin ang ating pamahalaan para mapigilan ang Chinese Coast Guard sa paglabag sa 1972 International Regulations for Preventing Collisions at Sea.
Sabi ni De lima, hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ang naturang insidente kaya maliban sa pag-imbestiga ay dapat maglatag ng polisiya o mga hakbang ang pamahalaan.
Ito ay para matiyak na maiwasan ang ganitong kaganapan na nagdudulot ng panganib sa mga kababayan nating mangingisda at mga tauhan ng PCG.
Ayon kay De Lima, kailangang pairalin natin ang ating exclusive authority sa Bajo de Masinloc na sakop ng ating Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.