Manila, Philippines – Sinopla ni Presidential Security Adviser Hermogenes Esperon ang matinding pagpalag ng Communist Party of the Philippines o CPP sa hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin hanggang December 31 ang umiiral na martial law sa buong Mindanao.
Sabi ni Esperon, walang basehan ang pagkontra ng komunistang grupo sa martial law extension dahil wala namang naitalang pag-abuso o anumang reklamo laban sa mga sundalao habang umiiral ang batas militar sa Mindanao.
Giit ni Esperon ang gumagawa ng kasamaan sa mamayang Pilipino ay ang CPP, partikular ang armadong grupo nito na New People’s Army.
Tinukoy ni Esperon, ang panggugulo o pag-atake ng NPA sa iba’t ibang lugar tulad ng pag-ambush sa mga kasapi ng Presidential Security Group o PSG sa Cotabato, pagsunog sa mga construction equipment at extortion activities.
Si Esperon ay kasama nina AFP Chief General Eduardo Año at Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagbigay ng briefing kanina sa mga senador kaugnay sa sitwasyon sa Mindanao lalo na sa Marawi City na kinubkob ng Maute Terror Group.
tags: