Pagkuha ng contact tracers, pinasisigurong hindi mahahaluan ng korapsyon

Pinatitiyak ni House Minority Leader Benny Abante na hindi magkakaroon ng korapsyon at iregularidad sa hakbang ng pamahalaan na kumuha ng mga contact tracers bilang alternatibong trabaho ng mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa COVID-19.

Giit ni Abante, kailangan na maglagay ng sistema ang Department of Health (DOH) upang matiyak na walang ‘ghost employees’ at double employment sa ilalim ng programa.

Sa ganitong paraan ay masisigurong hindi maaabuso ang tulong ng pamahalaan.


Samantala, umapela naman si Iloilo Rep. Janette Garin sa pamahalaan na balansehin ang paglalagyan ng pondo dahil hindi magiging epektibo ang mano-manong contact tracing sa mga lugar na nasa General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ dahil nakakalabas-masok na ang publiko sa kanilang lugar.

Sa halip aniya na pag-hire ng contact tracers ay ilaan na lamang ang budget sa flu o kaya sa pneumonia vaccine bilang proteksyon sa mga nakatatanda.

Inirekomenda ng kongresista na gamitan naman ng teknolohiya tulad ng application ang contact tracing sa mga lugar na maluluwag na ang community quarantine.

Facebook Comments