Pagkuha ng kompensasyon ng mga naging biktima sa Marawi, hihigpitan ng Board of Claims

Manila, Philippines – Hindi makakalusot ang mga miyembro ng Maute Terrorist Group na magpapanggap na biktima ng karahasan sa Marawi sa pagkuha ng kompensasyon sa Board of Claims, Parole & Probation Administration.

Ayon kay Justice Undersecretary Reynante Orceo, mahigpit ang kanilang proseso upang masala kung sino lamang ang nararapat na mabigyan ng financial assistance.

Maliban sa serye ng pagtatanong kinakailangan ding magpakita ng identification card ang isang indibidwal na maghahain ng kanyang aplikasyon sa Board of Claims.


Sa ilalim ng Republic Act 7309, bukod sa mga biktima ng hindi makatarungang pagkabilanggo, ang mga biktima ng mararahas na krimen ay maari ring tumanggap ng kompensasyon mula sa Board of Claims.

Kasama sa mga itinuturing na biktima ng mararahas na krimen ay iyong mga dumanas ng panggagahasa at mga biktima ng krimen na nagresulta sa kamatayan, matinding pinsala sa katawan, dumanas ng psychological injury, naging baldado, seryosong trauma o iyong mga biktima ng krimen na isinakatuparan sa pamamagitan ng pagpapahirap o torture, pagmamalupit at barbarikong pamamaraan.

Sa ngayon nasa 120 aplikasyon na ang kanilang ipinoproseso.

Facebook Comments