Pagkuha ng PAGCOR ng kwestyunableng third-party auditor, ipasisilip sa Blue Ribbon Committee

Ipinasisiyasat ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Senate Blue Ribbon Committee ang pagkuha ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng third-party auditor na sumusuri sa kita ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Nakasaad sa Senate Resolution 443 na inihain ni Pimentel ang naunang pahayag ni Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na nabudol ang PAGCOR sa kinuhang third-party auditor na Global ComRCI.

Partikular na tinukoy sa resolusyon ang pagbibigay ng PAGCOR sa Global ComRCI ng sampung taong kontrata na may kabayarang P6 billion gayong walang technical, legal at financial capability ang nasabing third-party auditor.


Ipinunto rin na hindi nakasunod ang kumpanya sa requirement na magkaroon ng P1 billion na kapital at sa halip ay nagsumite ng certification na may $25 million mula sa bangko na hindi pa rehistrado ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Hindi rin nagbabayad ng tamang buwis, walang permit at walang opisina ang third-party auditor.

Sinabi ni Pimentel na sa laki ng perang sangkot dito ay dapat lamang halukayin at busisiin ng husto ang posibleng katiwalian at kapabayaan sa pagkuha ng PAGCOR ng kwestyunableng third-party auditor.

Facebook Comments