Pagkuha ng panibagong prangkisa ng ABS-CBN, hindi magiging madali ayon sa isang mambabatas

Dadaan pa rin sa butas ng karayom ang ABS-CBN kahit pa kumuha ang istasyon ng panibagong prangkisa.

Ayon kay 1-SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta, hindi pa rin magiging madali ang pagkuha ng legislative franchise ng ABS-CBN, taliwas sa pagtiyak ni Deputy Speaker Lito Atienza na posibleng makakuha ng prangkisa sa susunod na taon ang network sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.

Giit ni Marcoleta, posibleng hindi pa rin mapagbigyan ang franchise ng network kung walang pagbabago sa mga namamahala, pasilidad at walang reporma.


Dagdag pa ng mambabatas, ang bawat isang probisyon sa prangkisa ng ABS-CBN ay isa-isa muling hihimayin kaya kung sya ang tatanungin ay matatagalan pa bago sila mapagbigyan.

Para kay Federation of International Cable TV and Telecommunication Association of the Philippines (FICTAP) President Estrellita Tamano, dapat munang bayaran ng ABS-CBN ang P1.6 trilyon nitong penalties sa kanilang mga naging paglabag bago pa ito magbalak na mag-renew ng kanilang prangkisa.

Ayon kay House Minority leader at Abang-Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano, maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN sa pagpasok ng taong 2021.

Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Facebook Comments