Posibleng matalakay din sa gagawing pagdinig ng senado ukol sa sinasabing troll farms ang pagkuha ng Presidential Communications Operations Office ng 375 na contractual personnel.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na layon ng gagawing senate hearing na malaman kung ginagamit ang pondo ng bayan sa pagpapakalat ng mga fake news lalo na ngayong nalalapit na ang eleksyon 2022.
Aniya, sa halip na pagpapakalat ng mga impormasyon ukol sa nakakatulong na balita ay mga fake news pa ang gustong ikalat ng mga sinasabing Public Relations practitioners.
Kaugnay niyan, sinabi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na paninira lamang ang sinasabing troll farms ng gobyerno dahil ang tunay aniya na troll farms ay mula sa mga kalaban ng administrasyon.
Noong Lunes, nasa 12 senador ang naghain ng resolusyon na nagpapatawag ng imbestigasyon sa paggastos ng government funds para sa pagbuo umano ng troll farms na target ang mga kritiko ng administrasyong duterte at mga posibleng makalaban sa 2022 elections.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na welcome para sa kaniya ang imbestigasyon dahil isa rin siya sa biktima ng mga sinasabing trolls.