Pagkuha ng third party maintenance provider para sa air traffic system ng NAIA, ipinakokonsidera ng isang senador

Ipinakokonsidera ni Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagkuha na ng third party maintenance provider na magpapanatili ng kaayusan sa air traffic equipment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Poe, bagama’t ayaw pa nilang husgahan ang mga kakulangan sa naganap na aberya sa paliparan noong Bagong Taon, ang dapat na gawin ngayon ay maglatag ng ‘proactive step’ o paghandaan ang mga kinakailangang tauhan at kagamitan para sa ating air traffic system.

Sa ganitong paraan ay maaagapan ang anumang posibleng ‘glitches’ o aberya sa hinaharap.


Iginiit pa ni Poe na hindi dapat natatapos at nagiging kuntento lang ang CAAP sa mga ginagawang ‘troubleshooting’ o mga band-aid solutions dahil kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero ang nakasalalay rito.

Ang third-party provider ay mula sa labas na siyang regular na susuri at magme-maintain ng air traffic equipment.

Matatandaang lumabas kahapon sa pagdinig na dalawang taon nang walang maintenance at upgrade sa air traffic equipment at power supply system ng CAAP matapos na mag-expire ang kontrata para sa maintenance sa pagitan ng Sumitomo Corp., at Thales Australia noong 2020.

Inamin din ni CAAP Director General Manuel Tamayo na tanging mga tauhan na lang nila na “trained” at “qualified” naman ang nagpapanatili ng kaayusan ng buong air traffic system.

Facebook Comments