Nagpapatuloy pa rin ang pag-iinspeksyon at pagkukumpuni ng National Electrification Administration (NEA) sa mga nasirang linya ng kuryente sa mga lalawigan na nawalan ng elektrisidad dahil sa pananalasa ni Bagyong Ambo.
Kabilang sa inaalam ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD) ang power situation ay ang CALABARZON areas, MIMAROPA, Bicol at Eastern Visayas regions.
Una nang naibalik sa normal ang supply ng elektrisidad sa Camarines Sur, Albay at Biliran nitong nakalipas na araw.
Sinisikap pa ring maibalik ang supply ng kuryente sa mga probinsya ng Quezon, Marinduque, Camarines Norte, Sorsogon, Masbate, Western Samar, Eastern Samar at Northern Samar.
Batay sa ulat ng NEA, may ilang lugar na rin sa Quezon ang may kuryente na kabilang ang munisipalidad ng Gumaca, Lopez, Tagkawayan, Del Gallego, Atimonan, at Calauag.
Gayundin sa Burdeos, Jomalig, Panukulan, Patnanungan, Polillo at Real habang wala pang kuryente ang Infanta at General Nakar.
May partial restoration na rin ng power supply sa ilang lugar sa Marinduque, Camarines Norte at Sorsogon.
Balik na rin sa normal ang supply ng kuryente sa munisipalidad sa Masbate pero may ilan pa ang hindi tapos.
Naibalik na rin ang supply ng kuryente sa Calbayog City at iba pang munisipalidad sa Western Samar habang ang Santo Niño at Tagapul-an ay wala pang kuryente.
Siyam na munisipalidad sa Eastern Samar ang sumasailalim pa sa restoration activities.
Lahat ng bayan, maliban sa munisipalidad ng Capul sa Northern Samar, ang wala pang supply ng elektrisidad dahil hindi pa magagamit ang transmission lines.