Uumpisahan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni sa Estrella-Pantaleon Bridge.
Simula sa Sabado, January 12, alas 8 ng umaga isasara na sa daloy ng trapiko ang nasabing tulay para simulan ang demolisyon at konstruksyon.
Matatandaang una nang itinakda ang konstruksyon noong September 2018 pero hindi natuloy dahil sa maraming motorista ang umangal.
Nabatid na sa loob ng 30 buwan o dalawa’t kalahating taon kukumpunihin ang tulay.
Kapag natapos ang konstruksyon, mula sa 2 linya ay magiging apat na ang linya sa Estrella-Pantaleon bridge.
Kasunod nito, asahan na ayon sa MMDA na mas lalala pa ang traffic congestion sa EDSA dahil maraming sasakyan ang magdi-divert at dadaan sa Guadalupe bridge.
Sa tantya ng MMDA tinatayang 100,000 sasakyan ang dumaraan sa Estrella-Pantaleon bridge kada araw.
Ang nasabing tulay ang nagkokonekta sa Mandaluyong at Makati City.