Tuesday, March 10, 2026

Pagkumpiska sa 16 na ari-arian ni Zaldy Co, ipinag-utos ng Sandiganbayan

Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pagkumpiska sa 16 na ari-arian ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Ito ay matapos maglabas ang Sandiganbayan Fifth Division ng Writ of Preliminary Attachment para pagbigyan ang hiling ng mga prosecutor mula sa Office of the Ombudsman.

Layon ng kautusan na ilagay sa kustodiya ng korte ang mga property na maaaring gamitin para bayaran ang civil liability sakaling mapatunayang guilty sa graft.

Hiniling ito ng mga prosecutor dahil umano maaaring itago pa o mailipat ng akusado ang mga natitirang ari-arian kung hindi agad kikilos ang korte.

Batay sa utos ng korte, pinahihintulutan ang ganitong pagkumpiska sa mga ari-arian para masigurong makakapagbayad ang akusado lalo na’t may kinalaman ang kaso sa paggamit ng pondo ng bayan.

Nasa P215 million ang halaga ng 16 na ari-ariang sakop ng writ na karamihan ay matatagpuan sa Pasig City.

Nauna nang ipina-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga ari-arian ni Co na nagkakahalaga ng P12 billion kabilang ang P4 billion na air assets.

Nahaharap ang dating kongresista sa reklamo kaugnay sa mga maanomalya at palpak na flood control project sa Oriental Mindoro.

Facebook Comments