Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng police units na kumpiskahin ang mga hindi otorisadong paputok o fireworks at arestuhin ang sinumang lalabag dito.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya, kasama sa iligal na paputok ang piccolo, watusi, giant whistle bomb, giant bawang, large Judas belt, super lolo, lolo thunder, atomic bomb, atomic bomb triangulo, pillbox, boga, kwiton, goodbye earth, goodbye bading, hello Columbia at goodbye Philippines.
Habang iginiit din ni Malaya na dapat magkaroon ng inspeksyon sa “manufacturing complex, warehouse, at processing area ng manufacturers at dealers ng mga paputok para matiyak na nasusunod ang safety guidelines.
Kasabay nito, nilinaw naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na pwede pa ring bumili ng paputok.
Pero ayon kay Trade Asec. Ann Claire Cabochan, nakadepende ito sa ordinansa ng bawat lokal na pamahalaan.
Habang dapat din umanong may maipakitang business permit ang bawat nagtitinda nito.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagbebenta ng paputok sa mga menor-de-edad.