Patuloy na naninindigan ang Pilipinas sa posisyon pagdating sa isyu ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos ang insidente ng pagkuyog ng mga tauhan ng China Coast Guard sa mga sundalong nasa resupply mission sa Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Sierra Madre sa Ayungin Shoal kamakailan.
Sa ambush interview sa Pangulo, sinabi nitong ilang beses na rin ipinatawag si Chinese Ambassador Huang Xilian upang igiit ang ating posisyon at ang pagtutol sa mga pang-ha-harass sa ating mga tropa.
Kasunod nito, naniniwala ang pangulo na hindi lang dapat ito ang gawin ng Pilipinas dahil nasa daan-daang mga diplomatic protest na rin ang ating inihain laban sa China.
Samantala, sinabi pa ni Pangulong Marcos Jr., na hindi maituturing na armed attack ang nangyari dahil wala namang nagpaputok o nanutok ng baril pero isa pa rin itong deliberate action na layong pigilan ang mga sundalong magsagawa ng resupply mission.
Tinawag din ni PBBM na iligal ang ginawa ng pwersa ng China lalo na’t kinuha nito ang mga kagamitan ng ating mga sundalo.