*Cauayan City, Isabela*- Mahigpit na utos ni Isabela Governor Rodito Albano III na huwag tanggihan ang mga pasyenteng nagtutungo sa hospital para sa kaukulang lunas para sa anumang uri ng sakit.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, una palang ng kanilang pagpupulong ay ipinunto na ng gobernador na i-admit ang mga pasyente kung kinakailangan para maobserbahan man lang ang kanilang kondisyon lalo na ang kinakaharap na krisis ng bansa dahil sa corona virus o covid-19.
Kaugnay nito, binawian ang 11-anyos na batang babae mula sa Bayan ng Tumauini dahil tinanggihan umano ng Provincial Hospital matapos isugod dahil sa hirap sa paghinga.
Nabatid na unang nagpakonsulta ang mag-anak sa isang clinic subalit hanggang sa bigyan ito ng paunang lunas ay mas minabuting makipag-ugnayan ng clinic sa provincial hospital dahil sa sitwasyon ng bata at kakulangan na rin sa kagamitan.
Paliwanag pa ni Binag na walang nangyaring pagkwestyon kung kaya ba nilang i-admit ang kanilang anak sa pribadong hospital sa usapin ng pera.
Dahil dito, umani ng samu’t saring komento at reaksyon sa social media ang inupload ng isa sa kanilang kaanak dahil sa pagtanggi umano sa hospital hanggang bawian ng buhay ang bata.