Pinag-aaralan na ang pagkwestyon sa Korte Suprema sa bagong kalalagda pa lamang ng pangulo na P5.768 trillion na 2024 national budget.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ongoing ngayon ang ginagawang legal na pag-aaral para kwestyunin sa Supreme Court ang constitutionality ng kapapasa pa lang na pambansang pondo sa susunod na taon.
Kung matatandaan, sinita na ni Pimentel ang paglobo ng unprogrammed funds mula sa P281 billion na orihinal na hiling ng ehekutibo dahil bigla itong tumaas sa P730 billion o nadagdagan pa ng P450 billion nang isalang sa bicam.
Sa paniniwala pa ng Minority leader ay nilalabag dito ang constitutional provision na nagsasaad na hindi pwedeng dagdagan ang appropriation na inirerekomenda ng ehekutibo, pero ang maaari lamang ay tapyasan, ilipat o panatilihin ang alokasyon.
Dahil aniya sa malaking dagdag sa pondo ay lumalabas na lagpas na sa P5.7 trillion ang pambansang pondo at kung susumahin ito ay nasa P6.4 trillion na ngayon.
Ayaw naman magkomento ni Pimentel sa pagkakalagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa 2024 budget at aniya’y prerogative ito ng presidente tulad ng isang mamamayan na may karapatan ding kwestyunin ang constitutionality ng budget law.