Manila, Philippines – Binalewala ng minorya sa Kamara ang pagkwestyon ng grupo nila dating House Speaker Pantaleon Alvarez at dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa minority leadership sa Korte Suprema.
Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, nirerespeto nila ito dahil karapatan naman nila Alvarez at Fariñas ang pagtakbo sa SC.
Bukod dito, sanay na din naman umano si Suarez na nadadala siya sa madalas sa Korte Suprema.
Kampante naman si Ako Bicol Representative Alfredo Garbin na maibabasura ang petisyon na inihain laban sa minorya.
Naniniwala si Garbin na hindi mangingialam dito ang Korte Suprema dahil ito ay usapin ng internal rules and procedures ng plenaryo.
Sinabi ni Garbin na 45 ang kasalukuyang mga myembro ng minorya bago pa man maihain ng grupo nila Alvarez ang petisyon sa Korte Suprema.
Malinaw aniya na ang kinikilala ng mga kongresista na lider ng minorya ay si Suarez.