Paglaan ng malaking pondo ng gobyerno sa DPWH imbes na sa DOH, pinuna ni Vice President Leni Robredo

Binanatan ni Vice President Leni Robredo ang gobyerno dahil sa malaking pondong inilaan nito sa Build Build Build Program ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa ilalim ito ng panukalang 2022 national budget.

Ayon kay Robredo, bagama’t naiintindihan niya na kailangang pagandahin ang imprastruktura sa bansa, mas mahalaga pa rin sa ngayon na makontrol ang COVID-19 pandemic.


“Kung wala ding sobra, wala ding pondo. Gusto sabihin, hindi siya priority. Hindi siya priority ng pamahalaan. So ano nga iyan, Ka Ely, magugulat ka kasi at a time like this na nasa gitna tayo ng pandemya, bakit iyong mga babawasan, bakit mga babawasan iyong mga importanteng mga activities o mga programs gaya ng Department of Health, ng RITM?,” saad ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Department of Budget and Management (DBM) at si DPWH Secretary Mark Villar kaugnay sa pagtaas ng pondo.

Nabatid na sa ilalim ng 2021 national budget, nakatanggap ang DPWH ng P695.7 billion pondo na mas mataas sa natanggap ng Department of Health (DOH) na P210.2 billion.

Sa panukalang 2022 budget, aabot naman sa P242.22 billion ang panukalang pondo ng DOH na mas mababa rin sa P666 billion pondo ng DPWH na nasa ilalim ng 2022 National Expenditure Program.

Facebook Comments