Pang Aabuso Umano ng Militar sa San Mariano, Isabela, Positibo Ayon sa Karapatan Cagayan Valley!

*Cauayan City, Isabela- *Naglabas ng resulta ang iba’t-ibang organisasyon na nagsagawa ng Fact Finding Mission sa ilang mga barangay ng San Mariano, Isabela nitong ika-walo hanggang ika-sampu ng Agosto ng taong kasalukuyan.

Sa eksklusibong impormasyon na nakuha ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Karapatan Cagayan Valley, nasa labing anim (16) umano na pang-aabuso sa karapatang pantao ang kanilang naitala matapos ang tatlong araw na pangangalap ng impormasyon sa naturang bayan.

Ito ay isinagawa ng mga grupong Karapatan Cagayan Valley, Danggayan-CV, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Karapatan, Amihan, RDC Kaduami, Bayan Muna sa pakikipagtulungan nina Representative Arlene Brosas ng Gabriela Partylist, LGU San Mariano at mula sa opisina ni Congressman Christopher Go.


Batay sa kanilang naisadokumentong umano ay pang-aabuso sa karapatang pantao ng 95th Infantry Battalion na naka himpil sa nasabing bayan, lumabas sa resulta ng kanilang Fact Finding Mission ang mga sumusunod na alegasyon:

1. Walang habas umano na pamamaril sa bahay ng lider na sinususpetsahan ng AFP na kasapi ng Milisyang Bayan (sitio Disiguit, Gangalan) sa kamay ng armadong kalalkihan na napapaligiran ng maraming sundalo ng 95th IB sa mga katabing sityo at may nakuhang mga basyo ng bala ng M16 na riple.

2. Umano ay walang habas na pamamaril sa mga mangingisda sa Brgy. Panninan.

3. Malisyosong pag-aakusa sa mamamayan bilang mga Milisyang Bayan.

4. Sapilitang interogasyon, sapilitang pagpapaamin, harassment, pananakot, pagbabanta at intimidasyon.

5. Pagpapanggap at pagpapatawag sa lider ng magsasaka sa gabi ng armadong kalalakihan na nakaunipormeng sundalo at napapaligiran ng maraming sundalo ng 95th IB, PA sa mga katabing sitio.

6. Sapilitang pagpapalinis ng pangalan/peke at sapilitang pagpapasurrender sa kampo ng 95th IB.

7. Iligal na pag-aresto at pagsampa ng gawa-gawang kaso.

8. Sapilitang pagpapasayaw, pambabastos sa kababaihan at senior citizens, panghihipo sa kababaihan.

9. Paglalasing sa isang kainan sa isang lugar (Gangalan) at gabi-gabi sa ibang lugar (Sitio Villa Miranda).

10. Pananakit ng lasing na sundalo.

11. Paglabag sa karapatan ng mga bata (nasugatan ang isa sa strafing ng bahay, inaakusahang MB ang isang bata).

12. Sapilitang pagpapamiyembro sa CAFGU;

13. Iligal na paghahalughog ng bahay at iligal na paghahalughog ng bag sa pagche-checkpoint.

14. Pagtulog sa bahayan, pagtulog at pag-iinteroga sa barangay hall, evacuation center at day care.

15. Paglabag sa karapatan sa mobilidad (malayang kilos) at economic blockade-nililimita ang oras ng pagpunta sa sakahan, nililimita ang mabibiling bigas (Sitio Dunoy), pinagbabawal ang pagkuha ng rattan (Sitio Dunoy).

16. Red-Tagging sa mga legal at progresibong organisasyong kinabibilangan ng mamamayan.

Kaugnay nito, Inirekomanda ng Fact Finding Mission Team na itigil ang pagkakampo ng militar sa mga kabahayan sa San Mariano;

Paalisin ang mga militar sa mga Day Care Centers, Evacuation Centers at Barangay Halls;

Itigil ang sapilitang “pagpapalinis” ng pangalan at pagpapasuko sa mga residente;

Inirekomenda rin ng mga nasabing grupo na itigil ang pagpapatawag, interogasyon, umano ay harassment, pananakot, pagbabanta, intimidasyon, pananakit sa mamamayan at sexual harassment sa kababaihan;

Itigil ang sinasabing sapilitang rekrutment sa CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit);

Tanggalin ang curfew sa pagsasaka at pagkontrol ng pagpasok ng pagkain;

Itigil ang umano ay red-tagging at malisyosong pag-aakusa at panagutin ang mga nagpapakalat ng disimpormasyon;

Ibasura ang mga umano ay gawa-gawang kaso laban sa mga magsasaka at palayain ang mga nakakulong;

Imbestigahan ang mga naiulat na paglabag sa karapatang pantao at kasuhan ang napatunayang may sala;

Ituloy-tuloy ang kampanya laban sa militarisasyon sa kanayunan;

Maglunsad ng press conference tungkol sa mga nakalap na paglabag sa karapatang pantao;

Magsumite ng resolusyon sa Kopngreso at Senado para imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang Pantao sa San Mariano;

Igiit sa Sangguniang Barangay na magbigay ng kopya ng resolusyon ng deklarasyong “persona-non-grata” laban sa mga progresibong organisasyon, ireboka ang mga naturang resolusyon at idulog ito sa mga LGU ng barangay, munisipyo at probinsya;

Magdaos ng pag-aaral tungkol sa karapatang pantao sa mga barangay sa San Mariano;

Tutulan ang whole-of-nation approach ng Oplan Kapanatagan lalo na ang Community Support Program na ginagawang umanong paraan sa paniniktik, harassment at pangigipit sa mga residente;

Magbuo ng mas malawak na suporta at alyansa;

Dagdag dito, inirekomenda rin ng mga nasabing organisasyon na tugunan ang kahilingan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa, serbisyo, subsidyo, at magbigay ng ayuda sa panahon ng kalamidad at igalang ang karapatang pantao sa lahat ng panahon at pagkakataon.

Facebook Comments