Hindi pa rin papayagang lumabas ang mga menor de edad sa Metro Manila na kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, unanimous ang pasya ng mga alkalde na pagbawalan pa ring lumabas at magpunta ng mall ang mga menor de edad.
Aniya, ang desisyon ng Metro Manila mayors ay base sa naging rekomendasyon ng mga health expert.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na ang mga menor na edad 17 at pababa ay papayagang lumabas para lamang sa essential purposes o physical exercises maliban sa contact sports gaya ng basketball at football.
Ayon pa kay Garcia, responsibilidad ng mga local government unit na matiyak na hindi gumagala sa labas ang mga bata sa gitna ng pag-iral ng GCQ.
Depende aniya sa ordinansa ng Local Government Unit (LGU) kung pagmumultahin ang mga magulang ng mga batang lalabag sa polisiya.
Samantala, kung bawal pa rin sa Metro Manila, sa Cavite, pwede nang magpunta ng mall ang mga batang edad 10 pataas basta’t kasama ang kanilang magulang.
Inanunsyo mismo ito ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa kanyang Facebook.
Samantala, hindi naman required na magsama ang mga senior citizen na pupunta sa mall.