Labis na ikinatuwa ng Department of Health ang paglagda ng pangulong Duterte sa batas na magpapataw ng mas mataas na buwis sa sigarilyo.
Batay sa republic act 11346 na nilagdaan ng pangulo, simula sa January 1, 2020 ay magiging 45 pesos na ang buwis sa kada pakete ng sigarilyo, habang pagsapit naman ng 2021 ay magiging 50 pesos na, 55 pesos pagsapit ng 2022, at 60 pesos sa enero ng 2023.
Ipinasasama na rin sa bubuwisan ang mga vapor products.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, sa pamamagitan ng mas malaking buwis sa sigarilyo, mas malaking pondo na ang mailalaan para sa Universal Health Care.
Makakatulong aniya ito para ma-upgrade ang medical facilities ng gobyerno, sa pagsasabay ng mga doktor at nurse, at mapapalakas ang kapasidad ng DOH para mapigilan ang pagkalat ng mga sakit.
Naniniwala rin ang kalihim na dahil sa mas mataas na buwis ay mas marami na ngayon ang madidiscourage sa paninigarilyo at maiiwasan ang paglaganap ng mga sakit na nakukuha mula sa paninigarilyo.