Ikinatuwa ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa resolusyon na nagpapalawig sa validity ng kompensasyon para sa mga biktima ng Martial Law.
Sa nilagdaang Joint Resolution 13 at 26, extended ang maintenance, availability at pagpapalabas ng pondo hanggang December 31, 2019.
Nagpasalamat si Zarate sa Kongreso at kay Pangulong Duterte dahil isa na naman aniyang ebidensya ang resolusyon ng malawakang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kinikilala din nito ang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos dahil ang pondo para sa mga biktima ay kinuha mula sa assets na nakumpiska sa pamilya.
Binigyang-diin pa ng kongresista na higit sa kompensasyon ay ang isyu ng pagbibigay ng hustisya sa umano’y mga biktima ng Batas-Militar kung saan mula sa 75,000 applicants ay mahigit labing-isang libo lang ang kinilala.