Inanunsyo na rin ng Korte Suprema na suspendido rin ang pasok sa trabaho ng mga manggagawa sa mga korte sa buong bansa bukas.
Kasunod na rin ito ng proclamation ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara bukas bilang regular holiday sa buong bansa kaugnay ng paggunita ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga kapatid nating Muslim.
Gayunman, bagama’t holiday bukas, tuloy ang paglagda sa Roll of Attorneys sa Korte Suprema ng mga bagong abogado.
Sinabi ni Supreme Court Public Spokesman Atty. Brian Hosaka na umabot na sa 1,725 na mga bagong abogado ang nakapirma na sa Roll of Attorneys.
Muli naman nagpaalala ang Supreme Court sa mga magtutungo sa korte para sa signing sa Roll of Attorneys na sundin ang mga ipinatutupad na health protocols.
Facebook Comments